Dahil ang narcotic detection dogs ang isa sa pinakamahalahang elemento para sa matagumpay na anti drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naglaan ng P21 milyon ang ahensya para sa pagpapatayo ng pasilidad na magsisilbing sanayan ng mga narcotic detection dogs o drug sniffing dog.
Ang K-9 unit facility ay itatayo sa San Jose del Monte, Bulacan at may lawak na 5,000 square meters na lote.
Naniniwala si PDEA Director General Aaron Aquino na mapapalakas nito ang anti-drug operation.
Sa unang pagkakataon kukuha ng 100 NDDs ang PDEA na pinakamarami simula nang maitatag ang ahensya.
Sa ngayon 72 NDDs ang mayroon ang PDEA. 34 mula sa nasabing bilang ay nakakalat sa iba’t ibang tanggapan ng PDEA, at 13 ang nasa NCR regional office.
Kukuha din ang PDEA ng 100 K-9 handlers na magsasanay sa mga NDDs.
Ang mga kinuhang NDDs at K-9 handlers ay idedeploy sa mga pantalan at paliparan at maging sa mga kulungan.