DepEd tiniyak na mananagot ang mga nasa likod ng over-priced na pang-ahit

Inquirer file photo

Bumuo si Education Sec. Leonor Briones ng komite na nag-iimbestiga sa pagbili ng DepEd Region 10 ng umanoy overpriced na mga pang-ahit.

Ayon kay Briones, tututukan ng fact-finding committee ang pagbili ng DepEd Region 10 mula Abril hanggang Hunyo 2016 ng pang-ahit na nagkakahalaga ng P1,878 bawat isa.

Gagamitin umano ang pang-ahit sa kursong hairdressing sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track ng mga senior high school students sa Region 10.

Sinabi ng kalihim na mananagot ang sinuman na hindi sumunod sa proseso.

Nag-ugat ang isyu nang tumanggap ang Lumbia National High School noong October 16, 2017 ng 13 sets ng pang-ahit mula sa division office ng DepEd-Cagayan de Oro na umabot sa P24,414 ang halaga.

Sinabi ng DepEd Region 10 na galing sa eskwelahan ang purchase request.

Gayunman, iginiit ng school principal na hindi isyu kung anong eskwelahan ang humiling ng razor kundi ang presyo ng kada set ng pang-ahit.

Dahil dito, pinagsusumite ang regional office ng ahensya ng report ukol sa isyu hanggang June 30.

Read more...