Aklan officials kinasuhan sa kapabayaan sa Boracay
Naghain ng mga reklamo si DILG Usec. Epimaco Densing sa Office of the Ombudsman laban sa 17 elected at appointed officials ng lalawigan ng Aklan dahil sa umano’y kapabayaan ng mga ito sa isla ng Boracay.
Kasama sa mga sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ay sina Aklan Gov. Florencio Miraflores, Malay Aklan Mayor Ciceron Cawaling, Vice Mayor Abram Saulog at mga miyembro ng sangguniang bayan.
Gayundin ang licensing officer na si Jen Salsona, Provincial Environment Officer Valentin Talabero, Municipal Environment Officer Edgardo Sancho at tatlong Barangay Chairmen na sina Hector Casidsid, Chona Gabay at Lilibeth Sacapanio.
Batay sa mga reklamo, sinabi ni Densing na graft at administrative charges na gross neglect of duty, grave misconduct, conduct unbecoming of public officials at conduct prejudicial to the best interest of the service ang kinakaharap ng mga opisyal.
Ayon kay Densing, nagpabaya si Miraflores sa pag-supervise sa mga lokal na opisyal kaya napabayaan nang husto ang Boracay.
Dapat din aniyang managot ang mga opisyal ng bayan ng Malay, Aklan dahil lumalabas na naisyuhan ng business permits ang maraming establisimyento sa Boracay kahit hindi kumpleto ang requirements na kailangan para sa kaligtasan ng publiko tulad ng sa fire code at building code.
Hinimok din ni Densing ang Ombudsman na suspindehin ang mga naireklamong opisyal habang iniimbestigahan ang mga ito.
Nauna nang ini-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansamantalang pagsara sa Boracay kasunod ng pagsasa-ilalim nito sa ilang buwang rehabilitasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.