Hinihimok ng Malakanyang ang pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na huwag maging balat sibuyas.
Sa halip ayon sa Malakanyang, dapat ay maging bukas sa mga pagbatikos ang simbahan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi naman maari na ang Simbahang Katolika lamang ang maaring magbato ng kritisismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi pa ni Roque na sa nakalipas na dalawang taon, tinanggap ng pangulo ang lahat ng maanghang na salita at puna mula sa mga kagawad ng Simbahang Katolika.
Giit pa ni Roque, simula nang kumandidato ang pangulo noong 2016 presidential elections, ayaw na ng Simbahang Katolika sa punong ehekutibo dahil may pinapanigan silang ibang kandidato.
Hindi aniya matanggap ng simbahan na natalo ang kanilang kandidato kung kaya hindi na tinantanan ang pangulo.
“So ang sabi ko nga, ‘wag naman balat sibuyas [ang simbahang Katolika] at ‘di naman pupuwede na simbahang Katolika lang ang magbabato ng kritisismo sa ating Presidente at kapag ang Presidente ay nagbato ng kritisismo, ay parang hindi nila matanggap. Ang katototohanan po kasi sa mula’t-mula ayaw ng simbahang Katolika kay Presidente dahil meron silang pinanigang kandidato, at ‘di nila matanggap na ‘di nanalo ‘yung kandidato nila kaya ‘di siya tinantanan, at ngayong nanalo siya parang ang hirap tanggapin. Pero sa nakalipas na dalawang taon, napakarami ring mga maaanghang na mensahe ng simbahan laban sa ating presidente,” ayon kay Roque.
Matatandaang uminit ang palitan ng maanghang na salita sa pagitan ng pangulo at CBCP nang sabihin ng punong ehekutibo na estupido ang Panginoon.