OFW sa Saudi na uuwi na sana sa bansa nawala sa katinuan
Naudlot ang pag-uwi ng Pilipinas ng isang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia matapos umano siyang mawala sa katinuan dahil sa kanyang iniindang sakit sa ulo.
Ayon sa kaniyang pamilya, kakatapos lang ng dalawang taong kontrata ni “Joselito” bilang isang driver ng construction company sa Abha nang bigla itong nakaramdam ng matinding pananakit ng ulo.
Sa sobrang tindi ng sakit ng ulo ni “Joselito” ay nanlalabo na ang kanyang paningin, di na makakain at tila natutuliro na daw ito.
Ayon sa ina ng OFW ay nabalitaan niya lang ang kondisyon ng kanyang anak nang tawagan siya ng katrabaho nito.
Ikinuwento ng katrabaho ng biktima, na nagpabalik-balik ang pagkawala sa katinuan ni Joselito.
Dagdag pa niya hindi na raw ito nagsasalita masyado at madalas rin ito palakad lakad at kung anu-ano ang sinisilip. Sumasagot naman daw tuwing kinakausap ngunit pagkatapos ay wala na siyang maalala.
Nakaramdam na rin daw ng sakit ng ulo si Joselito bago pa ito umalis papuntang Saudi. Ngunit nagpumilit pa rin daw itong makaalis upang makatulong sa kanyang pamilya.
Nasa pangangalaga pa rin ng mga katrabaho si Joselito habang naghihintay ng tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon naman kay OWWA officer Marie Cruz na tutulong ang kaniyang tanggapan sa Philippine Overseas Labor and Office (POLO) upang mapabilis ang pag-uwi ni Joselito.
Hinihintay na lamang ang medical certificate ni Joselito na nagsasaad na maaari nang makapagbiyahe ang OFW pati na rin ang kanyang exit visa clearance mula sa kaniyang pinagtrabahuhang kumpanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.