Oral arguments kaugnay ng same-sex marriage, tinapos na ng SC

Tinapos na ng Korte Suprema hapon ng Martes ang oral arguments para sa petisyong payagan ang same-sex marriage sa bansa.

Matapos ang halos tatlong oras na interpelasyon ay natapos ang oral arguments pasado alas-5:30 ng hapon.

Nakapagsagawa ang SC ng dalawang rounds ng oral arguments sa petisyon ni Atty. Jesus Nicardo Falcis III na ideklarang ‘unconstitutional’ ng Kataas-taasang Hukuman ang probisyon ng Family Code of the Philippines na naglilimita sa kasal sa pagitan lamang ng babae at lalaki.

Iginiit ni Falcis na labag ito sa karapatan ng mga homosexual na magkaroon ng sariling pamilya na pinoprotektahan sa ilalim ng Section 3 (1) ng 1987 Constitution.

Kumatawan bilang respondent si Solicitor General Jose Calida at iginiit na hindi pinapayagan sa ilalim ng Saligang Batas ang same-sex marriage.

Ayon kay Calida, maaari namang mamuhay nang masaya ang same-sex couples ngunit hindi pwedeng hilingin ng mga ito na kilalanin ng estado ang same-sex marriage dahil hindi ito pinapayagan ng Konstitusyon.

Samantala, pinasusumite na ni Acting Chief Justice Antonio Carpio ng kanilang memoranda na naglalaman ng kanilang mga argumento ang dalawang panig sa loob ng 30 araw.

Read more...