Apela ng mag-amang Binay sa graft case ibinasura ng Sandiganbayan

Inquirer file photo

Ibinasura ng 5th Division ng Sandigabayan ang inihaing motion to quash ng mag-amang dating Vice President Jejomar at dating Makati City Mayor Junjun Binay para sa kasong katiwalian at falsification of public documents.

May kaugnayan ito sa maanomalyang pagpapagawa ng Makati Science High School building.

Sa desisyon ng korte, malinaw ang detalye ng mga alegasyon sa case information na inihain ng Ombudsman laban sa mga akusado.

Nakadepende na ayon sa anti-graft court kung paano dedepensahan ng mag-amang Binay ang kanilang sarili sa kaso.

Nakasaad sa motion to quash information ng mag-amang Binay na hindi sapat ang mga alegasyon na nakasaad sa kaso at wala silang ginawang pag-abuso sa posisyon bukod pa sa hindi sila nakipagsabwatan sa kontraktor ng proyekto.

Ang kaso ng mag-amang Binay ay nag-ugat sa pagbigay ng kontrata para sa architectural design at engineering services ng Makati Science High School Building sa Infinite Architectural Works nang walang public bidding at tanging negotiated contract lamang.

Ang paggawa naman sa phase 4 ng gusali ay iginawad sa Hilmarc Construction Corporation na idinaan lamang sa simulated bidding.

Read more...