Misencounter sa Samar sinisiyasat na ng PNP at AFP
Iniimbestigahan na ng Philippine Army at Philippine National Police ang umano’y misencounter sa Samar kung saan napatay ang anim na pulis at nasugatan ang siyam na iba pa.
Tiniyak ni 8th Infantry Division commander Major General Raul Farnacio na malalim at patas ang kanilang imbestigasyon.
Inatasan na rin ni Farnacio ang lahat ng ground commanders na gumawa ng mga nararapat na hakbang matapos ang insidente.
Nakatanggap ng ulat ang 8th Infantry Division na isang platoon ang nakipagbakbakan sa isang armadong grupo sa Sitio Lonoy sa bayan ng Villareal.
Matapos ito, nadiskubre ng militar na mga pulis pala ang kanilang nakasagupa sa ilalim ni Police Chief Inspector Suspiñe na may operasyon sa lugar.
Wala namang nasawi sa mga sundalo.
Nagpahatid naman ng pakikiramay ang 8th Infantry Division sa mga pamilya ng anim na pulis na nasawi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.