Militarisasyon sa South China Sea sinimulan ni Aquino ayon sa Malacañang
Isinisisi ng Malacañang kay dating Pangulong Benigno Aquino III ang patuloy na militarisasyon ng China sa South China Sea.
Sa pulong balitaan sa Cagayan De Oro City, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi kailanman hihingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kung naging malambot man ito sa kanyang mga polisiya laban sa China.
Paliwanag pa ni Roque, kung gagamit kasi ang Pilipinas ng dahas laban sa China gaya na ginawa noon ni dating Pangulong Aquino ay magdudulot lamang ito ng hidwaang militar bagay na iniiwasan ng bansa.
Matatandaang nagkaroon ng standoff sa pagitan ng Pilipinas at China noong 2012 nang magpadala si Aquino ng Philippine Navy personnel sa Scarborough o Panatag shoal.
Sinabi pa ni Roque na mas makabubuting hayaan na muna si Pangulong Duterte na dumiskarte sa pagitan ng Pilipinas at China dahil siya naman ang may akda ng mga foreign policy.
Kasabay nito, naniniwala naman si Roque na mas makabubuting idaan pa rin sa diplomasya ang pag-resolba sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.