Ilang mga residente ng Nueva Ecija, kulong pa rin sa tubig baha
Maraming mga residente ang nasa bubong ng kanilang mga tahanan habang naghihintay na maabot ng tulong.
Ito ay dahil sa pagragasa ng bahang dulot ng bagyong Lando na nagtagal sa Northern at Central Luzon.
Sa ngayon ay hindi bababa sa 70 barangay ang nananatiling lubog sa baha, kaya naman marami pa ring residente ang hindi pa rin nasasagip at patuloy na humihingi ng tulong sa mga pulis, militar at volunteer rescue units.
Ayon kay Nigel Lontoc, regional rescue official, mabilis na tumaas ang baha kaya nagsi-akyatan ang mga residente sa kanilang mga bubong.
Dahil rin sa mataas na lebel ng tubig, nahirapan makapasok maging ang malalaking truck ng mga militar kaya gumagamit na lamang sila ng rubber boats upang maabot ang mga residenteng na-trap.
Ayon naman kay Reynaldo Ramos na isang residente ng Nueva Ecija, ito na ang pinakamalalang baha na naranasan niya sa kaniyang tanang buhay.
Ani Lontoc, hindi pa nila masabi kung ilan talaga ang mga na-trap na residente, ngunit sa kaniyang tantya ay marahil umabot din ito ng libo.
Bagaman marami sa kanila ang lumikas na bago pa man abutin ng baha, aniya ang iba naman ay piniling manatili sa kanilang kinaroroonan dahil hindi naman nila inaasahang aabutin sila ng ganoong kataas na baha, tulad na lamang ang Cabanatuan City na hindi naman talaga binabaha noon pa man.
Isa rin sa mga labis na binahang lugar sa Nueva Ecija ay ang Jaen kung saan umabot sa bubong ng mga bahay ang taas ng tubig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.