8 sundalo sugatan sa aksidenteng pagsabog sa Patikul, Sulu

Sugatan ang walong sundalo nang aksidenteng mapatid ang isang improvised explosive device o IED habang nagsasagawa sila ng clearing operation sa Patikul, Sulu.

Ayon kay Lt. Col. Gerry Besana, ang public affairs officer ng Western Mindanao Command, naganap ang insidente sa Barangay Bangkal noong Sabado ng hapon (June 23).

Kinokolekta aniya ng mga sundalo ang mga armas at pampasabog matapos ang pakikipagbakbakan sa mga hinihinalang miyembro ng grupong Abu Sayyaf na pinamumunuan nina ASG sub leaders Almujer Yaddah, Sonny Boy Sajirin, at Ellam Hasirin.

Ang mga sugatang sundalo ay dinala sa kuya Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Busbus, Jolo kung saan patuloy silang nagpapagaling.

Ang mga bandido naman ay nagtamo rin daw ng mga sugat dahil sa engkwentro, dahil nakakita ng mga dugo sa lugar kung saan naka-posisyon ang mga ito.

Pagtitiyak ni Lt. Gen. Arnel de la Vega, pinuno ng Western Mindanao Command, patuloy ang kanilang pagtugis sa mga miyembro ng ASG.

 

Read more...