Nagparating ng pagkadismaya ang Pilipinas matapos ang hiling ng 38-member states ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) kaugnay sa sitwasyon ng karapatang-pantao sa bansa.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na nakapanghihinayang na tuloy pa rin ang pagtutol ng Iceland at iba pang bansa sa kabila ng imbitasyon ng gobyerno na bisitahin ang Pilipinas para personal na tignan ang sitwasyon ng human rights sa bansa.
Aniya, inimbitahan niya si Iceland Foreign Minister Gudlaugur Thor Thordarson na pumunta sa Maynila at obserbahan kung lumalabag ang otoridad sa karapatang-pantao sa mga komunidad.
Ani Cayetano, mukhang hindi interesado ang mga naturang bansa na makita ang totoong sitwasyon ng human rights sa bansa at sa halip ay patuloy ang pagkakalat ang maling impormasyon na iniuulat ng ilang grupong namumulitika lamang.
Dagdag pa nito, ang pulitika ay pulitika ngunit ang pamumulitika sa karapatang-pantao ay mapanganib sa buhay ng mga mamamayan.
Matatandaang hinikayat ng UNHRC ang Pilipinas na makipag-ugnayan sa pagbibigay ng ulat ukol sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao sa bansa.