PNP ipagpapatuloy ang pagsasagawa ng street operations

By Justinne Punsalang June 24, 2018 - 03:55 AM

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na ipagpapatuloy nito ang kanilang mga street operations bagaman binabatikos uto ng marami.

Nilinaw ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, na hindi naman mga tambay ang kanilang hinuhuli kundi ang mga lumalabag sa mga city ordinances kabilang ang pag-inom sa kalsada, paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, hindi pagsusuot ng damit pang-itaas, at paglabag ng mga kabataan sa curfew.

Sa ngayon ay mahigit 7,000 na ang naaresto sa Metro Manila, habang ang ibang mga lalagiwan ay pinaiigting na rin ang kanilang implementasyon ng mga ordinansa.

Aminado si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na wala talagang batas na nagbabawal sa pagtambay. Kaya naman sinusugan niya ang pahayag ni Albayalde at sinabing ipinatutupad lamang nila ang mga ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.

Aniya pa, matagal na nilang ginagawa ang paghuli sa mga lumalabag sa local ordinance. Pinaigting lamang nila ang mga operasyon dahil sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang nilinaw na ni Pangulong Duterte ang kanyang naging pahayag at sinabing gusto lamang niyang linisin ang kalsada mula sa mga tambay at hindi niya inutusan ang PNP na hulihin ang mga ito.

Lalong nakatanggap ng kritisismo ang mga street operation ng pulisya matapos mamatay sa loob ng piitan ang isang nahuling walang suot na pang-itaas.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.