Inaprubahan ng Social Security Commission ang agarang pagbibigay ng calamity assistance sa mga sinalanta ng bagyong Lando.
Kasalukuyang gumagawa na ng mga panuntunan para sa mga programa ng Social Security System (SSS),hinggil sa pagbibigay ng calamity relief package para sa mga miyembro at pensyonadong apektado ng bagyong Lando na nakatira sa mga lugar na idideklarang calamity areas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay SSS Assistant Vice President for Member Loans Boobie Angela A. Ocay, ang mga miyembro ng SSS at pensyonado na nakatira sa mga lugar na idedeklara ng NDRRMC na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa bagyong Lando ay maaaring mag-apply sa nasabing programa simula Oktubre 26.
Ang SSS calamity relief package ay binubuo ng Salary Loan Early Renewal Program (SLERP) kung saan papayagan ang miyembro na mag-renew ng kanilang salary loan nang mas maaga kaysa sa scheduled date; ang SSS Direct House Repair and Improvement Loan Program na may anim na porsyentong interes lamang kada taon; at tatlong buwan na advanced pensyon para sa mga pensyonadong tumatanggap ng pensyon sa ilalim ng SSS at Employees’ Compensation Program.
“Ito ay mabilis na tugon ng SSS para sa mga pangangailangan ng mga miyembrong apektado ng bagyong Lando. Maaari nilang i-renew ang kanilang loans bago pa due date ng renewal nito o i-advance ang kanilang pensyon ng tatlong buwan,” ayon kay Ocay.
“Umaaasa kami na sa pamamagitan ng calamity relief package na ito, matutulungan namin ang aming mga miyembro na matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tirahan at gamot,” dagdag ni Ocay.
Iisa ang susunding panuntunan ng regular na salary loan ng SSS at SLERP.
“Para mas matulungan ang ating miyembro sa kanilang pagbangon mula sa kalamidad, tinanggal ng SSS ang isang porsyentong service-fee na ibinabawas sa loan proceeds,” ayon kay Ocay.
Para naman sa advanced pension, ang mga pensyonado na iba ang kasalukuyang address sa naka-rehistro sa SSS database ay kailangang magsumite ng barangay certification bilang patunay na sila ay nakatitra sa idedeklarang calamity areas.
“Sa aming miyembro naman na kailangang ipakumpuni ang kanilang tirahan, maaari silang mag-apply ng Direct House Repair and Improvement Loan na anim na porsyento lamang ang interes bawat taon,” ayon kay Ocay.
Ang mga kwalipikadong miyembro at pensyonado ng SSS ay may hanggang Disyembre 31, 2015 para magpasa ng kanilang aplikasyon sa SLERP at advanced pension.
Isang taon naman mula sa pag-release ng panuntunan sa Direct House Repair and Improvement Loan ang palugit para mag-apply sa sa programang ito.
Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa nagdedeklara ng calamity areas dahil sa bagyong Lando ang NDRRMC. Unang tumama sa Casiguran, Aurora ang bagyo noong Oktubre 18. Base sa pinakahuling datos ng NDRRMC, may 4,892 pamilya ang inilikas na sa mga evacuation centers dahil sa bagyo.