P1.5M pamilyang Filipino nabiktima ng ‘common crimes’ sa 1st quarter ng 2018

Nabiktima ng tinatawag na ‘common crimes’ ang nasa 1.5 milyong pamilyang Filipino sa unang bahagi ng taon ayon sa datos na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) kahapon.

Sa survey na isinagawa ng SWS mula March 23 hanggang 27, lumalabas na 6.6 percent ng pamilyang Filipino ang nabiktima ng mga krimen tulad ng pagnanakaw, panloloob, physical violence at carnapping sa unang bahagi ng taon.

Mas mababa ito ng isang puntos kumpara sa 1.7 milyong pamilya o 7.6 percent na naitala noong December 2017.

Karamihan sa mga krimen ay nagresulta sa pagkawala ng mga ari-arian.

Noong December 2017, nasa 1.1 milyong pamilya o 4.6 percent ang nabiktima ng street robbery.

Habang nasa 145,000 o kulang-kulang isang porsyento naman ang nakaranas ng physical violence kumpara sa 188,000 na naitala noong December 2017.

Samantala, kumaunti ang bilang ng mga pamilyang napaulat na nabiktima ng panloloob mula sa 3.4 percent o 790,000 noong December 2017 sa 2.2 percent o 516,000 sa ngayon.

Halos kalahati rin ang nabawas sa bilang ng pamilyang nabiktima ng carnapping sa 51,000 mula sa 108,000 na naitala noong December 2017.

Kumaunti rin ang bilang ng mga Filipino na takot maglakad sa lansangan sa gabi dahil sa pangambang malooban ang bahay ngunit mayorya pa rin ang naniniwala na pwede itong mangyari.

Samantala, lumobo ang bilang ng mga babaeng nabibiktima ng physical violence mula sa 11 percent noong December 2017 sa 50 percent ngayong taon.

Lumalabas din sa survey na ito ng SWS na mayorya ng biktima ng street robbery ay mga kababaihan sa 59 percent.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipino adults at may sampling error margin na ±2.5 percent sa national percentages habang ±2.5 percent naman para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.

Read more...