Isinailalim na sa State of Calamity ang kabuuan ng Ilagan City sa lalawigan ng Isabela dahil sa matinding pinsala na kanilang inabot sa bagyong Lando.
Sinabi ni Ilagan City Mayor Josemari Diaz na 90-percent ng kanilang kabuuang limampung mga Barangay ang lubog sa tubig-baha.
Ipinaliwanag din ni Mayor Diaz na may ilang mga lugar sa lungsod ang umabot pa ikalawang palapag ng mga bahay ang tubig-baha dahil sa walang humpay na pag-ulan dala ng bagyong Lando.
Sa kasalukuyan ay wala pa ring supply ng kuryente sa malaking bahagi ng lungsod at kinakapos na rin sila sa mga nabibiling pagkain sa mga tindahan.
Idnagdag pa ni Diaz na maraming mga lugar pa rin ang hindi maabot ng kanilang Rescue Team dahil mananatiling malakas ang current ng tubig kaya naghihintay muna silang kumalma ang malakas na agos ng tubig bago puntahan ang mga humihingi ng tulong.
Sa pinaka-huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umaabot na sa 20,000 mga evacuees ang nagsisiksikan ngayon sa ibat-ibang mga evacuation centers sa Northern Luzon na direktang naapektuhan ng bagyong lando.