San Roque Dam sa Pangasinan magpapakawala ng tubig ngayong gabi
Simula mamayang alas-sais ng gabi ay magpapakawala ng tubig ang San Roque Dam na matatagpuan sa bayan ng San Manuel sa Pangasinan.
Ayon kay Napocor flood operations manager Valeriano Barro, isa sa anim na gate ng San Roque Dam ang kanilang bubuksan kung saan ay maglalabas ito ng 970 cubic meters per second ng tubig kung saan ang isang cubic meter ay katumbas ng 1,000 lito o limang drum ng tubig.
Kaugnay nito, sinabi ni Barro na nakipag-ugnayan na sila sa mga local officials ng labingsiyam na mga bayan na nakapaligid sa Agno River na manatiling nakabantay sa posibleng pagtaas ng tubig sa ilog.
Ang tubig sa San Roque Dam ay nanggagaling sa Binga Dam sa Mt. Province na nagpakawala na rin ng tubig kahapon.
Dahil sa patuloy na buhos ng ulan dulot ng bagyong Lando ay umabot na sa spilling level na 280 meters ang tubig sa nasabing Dam. Ang tubig na magmumula dito ay dadaan sa Agno River bago dumiretso sa Lingayen Gulf.
Samantala, naglabas na rin ng advisory ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan kung saan ay kanilang sinabi na mananatiling suspendido ang pasok sa lahat ng paaralan sa lalawigan bukas October 20.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.