Hindi uuwi ng Pilipinas si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison sa buwan ng Agosto para sa peace talks.
Taliwas ito sa pahayag ni Nationald Democratic Front of the Philippines (NDFP) Consultant Rey Casambre na uuwi na sa bansa si Sison sa Agosto para sa usaping pangkapayapaan.
Sa mensahe ni Sison sa mga reporter sa Malacañan sa pamamagitan ng Facebook Messenger, sinabi nito na dati niyang plano ang umuwi sa Agosto.
Inaasahan kasi aniya ng NDFP na malalagdaan na ang interim peace agreement sa Oslo sa June 28 hanggang 30 at sa isa o dalawang buwan pa ay matatapos na rin ng mga negotiating panel ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms.
Pero ayon kay Sison, sinira ni Pangulong Rodrigo Duterte ang schedule dahil sa pagkansela niya sa June 28 hanggang 30 resumption of formal talks.
Hinihingi ngayon ng gobyerno na unilateral meetings muna ang gagawin ng GRP at NDFP sa susunod na tatlong buwan.