Bulacan at Pampanga pinaghahanda sa baha

Jaen NE Bridge Corona (2)
Radyo Inquirer photo

Kasunod ng malalim na pagbaha sa malaking bahagi ng Aurora at Nueva Ecija, mga lalawigan naman ng Pampanga at Bulacan ang susunod na lulubog sa pagbaha ayon sa Project Nationwide Operational Assessment of Hazrds o Project NOAH.

Ipinaliwanag ni Project NOAH Executive Director Dr. Alfred Mahar Lagmay na mas mababa ang mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga kaya sila ang huling dadaanan ng tubig-baha bago ito dumiretso sa Manila bay.

Ipinaliwanag rin ng nasabing eksperto na ang malalim na tubig-baha na napunta sa Nueva Ecija ay nanggaling sa Aurora at Sierra Madre.

Pagdausdos ng baha ay unang lumubog ang mga bayan sa paanan ng Sierra Madre na kinabibilangan ng Gabaldon, Laur at Bongabon kasama rin ang bayan ng San Miguel sa Bulacan.

Idinagdag din ni Lagmay na dahil barado na ang Pampanga Delta System kaya posibleng magtagal ang tubig baha sa ilang bayan sa lalawigan kasama na rin ang ilang mga lugar sa Bulacan.

Kung meron mang maganadang naitulong ang bagyong Lando sa ating bansa, sinabi ni Lagmay na ito ay ang karagdagang tubig sa mga pangunahing dam.

Pero aminado naman ang opisyal na kulang pa rin ang tubig ng ating mga Dams dahil sa inaasahang mas matagal na El Nino Phenomenon na nararanasan ng bansa simula pa noong nakalipas na buwan.

Read more...