Sinuspinde muna ang pagtanggap ng dalaw sa mga bilanggo sa Mandaue City Jail.
Ito ay makaraang mapatay sa pamamaril noong Martes ng umaga ang isa sa mga preso sa naturang bilangguan.
Nakasaad sa abiso sa harapan ng kulungan na suspendido ang pagtanggap ng dalawa hanggang sa June 23, araw ng Sabado.
Martes ng umaga nang mabaril sa loob ng kulungan ang hinihinalang drug lord na si Steve Go.
Ayon kay Jail Supt. Jessie Calumpang, jail warden, kapwa preso ni Go ang nasa likod ng pamamaril na kinilalang si Crescenciano Erana.
Si Erana ay may kasong multiple murder, paglabag sa Dangerous Drugs Act, illegal possession of firearms at resistance to persons with authority.
Ayon kay Calumpang, nasa iisang selda sina Go at Erana.
Nakarinig na lamang umano sila ng magkakasunod na putok ng baril at nang dumating ang mga otoridad sa selda, hawak pa ni Erana ang baril na kusa ring sumuko sa mga pulis at jail guard.
Pag-aari umano ni Go ang baril na inagaw sa kaniya ng suspek.
Ani Calumpang, patuloy ang imbestigasyon nila kung paanong nakapasok sa loob ang baril ni Go.
Kuwento ng mga kapwa preso ni Go, Martes ng umaga ay pinaglalaruan pa ni Go ang kaniyang baril at paulit-ulit na tinututok kay Erana hanggang sa nainis na ito at inagaw ang baril kay Go at saka siya pinaputukan.