Inangkat na murang bigas ng NFA sa weekend pa maipakakalat sa mga pamilihan sa Metro Manila
Nananatili pa sa barko ang ang nasa isang milyong sako ng inangkat na bigas na ipakakalat sa Metro Manila.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni National Food Authority (NFA) Spokesperson Rex Estoperez, nagkaroon ng delay sa pag-unload o pagbaba ng mga bigas sa mga barko dahil sa nagdaang bagong Domeng at Ester.
Ani Estoperez, sa NCR, isang milyong sako ng bigas ang naka-standby sa barko sa North Harbor at inaasahang uumpisahan ang pag-unload ng mga ito ngayong araw.
Dahil dito, inaasahang ngayong weekend ay maipapakalat na sa mga palengke ang mga bigas na ang halaga ay nasa pagitan ng P27 hanggang P32 kada kilo.
Samantala, inaasahang bababa na ang presyo ng commercial rice sa mga pamilihan sa sandaling maipakalat na ang murang bigas na inangkat ng NFA.
Ani Estoperez, alam ng mga rice traders na mas pipiliin ng nakararami ang NFA rice na mas mura kaysa sa commercial rice kaya wala silang magagawa kundi ang magbaba ng presyo.
Noon pa lamang aniya nabalitaan ng mga rice traders na mag-aangkat ang NFA ng bigas ay tiyak marami na ang nagpasya na magbaba ng presyo ng commercial rice.
Dagdag pa ni Estoperez madaragdagan pa ang 1 milyong sako ng bigas na nakatakdang ipakalat sa mga pamilihan sa Metro Manila ngayong weekend.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.