Ebidensyang makukuha tungkol barangay health station project pinasusumite sa Sandiganbayan o Ombudsman
Inatasan ng Palasyo ng Malacañan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque na isumite sa kinauukulang sangay ng pamahalaan ang anumang makakalap na dokumento o ebidensya kaugnay sa maanomalyang P8.1 bilyong barangay health station project na inilunsad noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ay para makasuhan at malitis ang mga may sala.
Kung kinakailangan aniya na isumite sa Sandiganbayan o sa Ombudsman ang mga makakalap na dokumento ay dapat itong gawin ni Duque.
“Well, ang nagsiwalat po niyan ay ang Kalihim ng ating Department of Health, si Secretary Duque. So I expect Secretary Duque to complete the documentation to forward it to the relevant prosecuting authorities. Puwede po iyan—kung ang kakasuhan ay triable before the Sandiganbayan, kinakailangan po i-forward ni Secretary Duque sa Ombudsman ang kaniyang makakalap na mga dokumento at iba pang ebidensiya,” ani Roque.
Iginiit pa ni Roque na seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya kontra sa kurapsyon.
Nasa 5,700 na mga health barangay station ang pinaglaanan ng higit P8 bilyong budget subalit nabatid na hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang nasabing proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.