Protesta ng Pilipinas dahil sa pagkuha ng Chinese coast guard sa huling isda ng mga Pinoy sa Scarborough shoal tuloy pa rin
Nanindigan ang Malakanyang na tuloy pa rin ang protesta ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa pagkuha ng Chinese coast guard sa mga huling isda ng mga Filipino sa Scarborough shoal.
Pahayag ito ng Malakanyang kahit na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘barter’ at hindi outright seizure ang ginawa ng Chinese coast guard sa mga Filipinong mangingisda.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hangga’t hindi nagkakasundo ang magkabailang partido sa halaga ng barter ay hindi ito maituturing na patas na palitan ng kalakal.
Hindi aniya katanggap-tanggap na ang mga Tsino lamang ang magsasabi kung magkanong halaga ang ibibigay sa mga isdang kinukuha sa mga Filipino.
“Tuloy po iyan ‘no kasi nga hanggang hindi masasabi na arm’s length or talagang nagkakasundo iyong partido ng mga Pilipino at mga Tsina, siyempre hindi nasusunod ang will ng parehong partido. Kapag isa lang ang nasusunod eh iyon na nga ‘no. sabihin na nating barter, kinakailangan pa rin pagkasunduan ang halaga ng partido at hindi pa rin katanggap-tanggap na Tsino lang ang nagsasabi kung magkanong halaga ang ibibigay nila sa isdang kinukuha nila,” ani Roque.
Una rito, sinabi ni Roque na fish thievery, pangingikil at pangongongotong ang ginawa ng Chinese coast guard nang kunin ang mga huling isda ng mga Filipino kapalit ang noodles sigarilyo at tubig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.