VP Robredo, hindi sang-ayon sa pag-aarmas sa mga barangay captain

Hindi pabor si Vice President Leni Robredo sa panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga pinuno ng barangay.

Sa isang panayam sa Naga City ay ipinaliwanag ni Robredo na hindi siya sang-ayon na armasan ang mga barangay captain dahil hindi naman ito ang mandato nila.

Aniya, nasa sangay ng ehekutibo ang mga barangay captain at hindi sa pagpapanatili ng kapayapaan katulad ng mga pulis at militar.

Dagdag pa ng bise presidente, hindi naman mareresolba ang problema sa peace and order sa barangay level kung bibigyan ng mga baril ang mga barangay captain.

Samantala, sa hiwalay na press briefing ay nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinag-aaralan pa muna ng pangulo ang panukalang armasan ang mga pinuno ng barangay.

Aniya, mayroong mga requirement ang Armed Forced of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na kailangang sundin bago maipatupad ang panukala ni Pangulong Duterte.

Dagdag pa nito, alam naman ng pangulo na posibleng mapunta lamang sa masama ang pag-iisyu ng baril sa mga punong barangay.

Read more...