Mabibili na sa merkado ang mga inangkat na bigas ng National Food Authority (NFA).
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing sa Malacañan. Ani Roque, ang 250,000 metriko toneladang bigas na mula Vietnam at Thailand ay nakapasok na sa merkado sa bansa.
Maglalaro ang presyo ng naturang mga bigas sa P27 hanggang P32 bawat kilo. Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, dahil sa pagpasok ng mas maraming NFA rice sa mga pamilihan ay inaasahan na ang pagbaba ng presyo ng bigas.
Ngunit ayon kay Roque, ang bigas na nasa Subic ay hindi pa naibababa dahil sa mga pag-uulang naranasan sa lugar noong nakaraang linggo.
Paglilinaw naman ni Roque, nais ng pamahalaan na manatiling prayoridad ang pagbili ng bigas mula sa mga magsasakang Pilipino kaysa mag-angkat pa mula sa ibang mga bansa.
Aniya inutusan na ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka pagdating ng panahon ng anihan upang hindi na maulit pa ang shortage sa imbak na bigas ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.