Bayan ng San Antonio hindi pa mapasok ng mga rescuers dahil sa lampas taong tubig baha
Kinakailangan ng amphibian boat para mapasok ang mga lugar sa bayan ng San Antonio sa Nueva Ecija.
Ayon kay Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon, aabot sa lampas ng dalawang tao ang lalalim ng tubig baha sa nasabing bayan ng Nueva Ecija. Maliban sa mga apektadong residente, pinasok na rin ng tubig baha ang San Antonio District Hospital na hanggang bewang na ang tubig baha sa emergency room.
Sinabi ni Gordon na hindi kinakaya ng kanilang mga plastic boats ang current ng tubig papasok sa San Antonio. Nasa arko na aniya ng San Antonio ang mga tauhan ng Red Cross at hindi pa makapasok ng tuluyan. “Hindi ka makapasok, mababalahaw ka, malakas ang current ng tubig. Ang kailangan talaga makapasok ang amphibian ikakarga ang mga boats doon para mapasok ang mga lugar,” ayon kay Gordon.
Batay sa mga report na tinatanggap ni Gordon mula sa kanilang mga tauhan sa San Antonio, labis na apektado ng matinding pagbaha ang barangay Hulo, Ticao at ang San Antonio District Hospital.
Ngayong umaga ayon kay Gordon, na-rescue ng kanilang mga volunteers ang limang sakay ng isang closed van na inanod ng tubig baha matapos magpumiliat na tumawid sa San Jose – Sta. Rosa Road patungo sa San Antonio.
Pinangalanan ni Gordon ang mga nailigtas na sakay ng van na sina Ricardo Lustre, Angle Osmena, Ninda Blanza,
Marilyn Pangilinan, at Gloria Cauag. Habang dalawa pang kasama ng mga ito ang pinaghahanap pa.
Sa Cabanatuan City, umabot sa mahigit 40 katao na na-trap sa kani-kanilang mga bahay ang nailigtas ng mga tauhan ng red cross. Ang mga ito ay pawang mula sa Sumacab Norte at Calawagan Cabanatuan City.
Sa ngayon sinabi ni Gordon nakatutok pa rin ang kanilang rescue efforts sa Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan dahil sa inaasahang pagtaas pa ng tubig baha sa ilang mga bayan sa tatlong lalawigan sa susunod na mga araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.