3 patay sa magnitude 6.1 na lindol sa Osaka, Japan

AFP Photo

(UPDATE) Tatlo katao na ang napaulat na nasawi habang 307 naman ang sugatan sa magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Osaka, Japan. Yumanig ang naturang lindol sa Osaka kahapon bandang alas-7:58 ng umaga. Ayon sa pulisya, si Rina Miyake, isang siyam na taong gulang na babae ang namatay sa lungsod ng Takatsuki na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Osaka. Na-trap umano ang bata sa bumagsak na pader sa kanyang paaralan. Habang dalawang 80 taong gulang na mga lalaki ang napaulat na namatay rin dahil sa bumigay na pader. Ayon sa Fire and Disaster Management Agency, karamihan sa mga nasugatan ay mula sa Osaka, ngunit mayroon ring naitalang sugatan mula sa Kyoto at tatlo pang karatig na lugar. Batay sa report ng Japan Meteorological Agency, ang naturang lindol ay mayroon lamang 13 kilometro ang lalim, kung saan ang pinakamalakas na pagyanig ay naramdaman sa hilagang bahagi ng Osaka. Dahil dito, nasa 850 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga community centers, school gymnasiums, at iba pang pampublikong pasilidad sa Osaka.

Read more...