Sister Patricia Fox mananatili sa bansa ayon sa DOJ
Binaliktad ng Department of Justice ang naunang desisyon ng Bureau of Immigration na bumabawi sa missionary visa ng Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Ito ay makaraan nilang pagbigyan ang petition for review na inihain ng kampo ng nasabing madre.
Ngayong araw sana magtatapos ang 30-day period na ibinigay ng Immigration Bureau para sa petisyon ni Fox.
Bagaman kinikilala ng DOJ ang mandato ng Bureau of Immigration para sa mga dayuhang lumulabag sa ilang panuntunan ng batas ay sinabi naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na mayroong pag-abuso sa kanilang kapayangyarihan ang ahensya sa kaso ni Fox.
“What the BI did in this case is beyond what the law provides, that is why it has to be struck down,” bahagi ng inilabas na pahayag sa media ni Guevarra.
Sa inihaing petisyon ng kampo ni Fox, kanilang sinabi na 27-taon na sa bansa ang nasabing madre at isa umanong aktibo sa kanyang pakikibahagi sa ilang civic works lalo na sa mga lalawigan.
Si Fox ay inakusahang kabilang sa hanay ng mga militanteng grupo na tumutuligsa sa kasalukuyang administrasyon.
Naglabas pa ng ilang larawan at video ang Malacañang kamakailan na nagpapakitang kasama si Fox sa ilang mga political rallies na ipinagbabawal sa mga dayuhan.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa imbestigahan at paalisin sa bansa ang nasabing madre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.