Kwestyunableng resolusyon sa reklamong estafa vs. Okada, ipinasasantabi sa DOJ
Naghain na ng mosyon sa Department of Justice (DOJ) ang kampo ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated para hilinging baligtarin ang resolusyon ng Paranaque City Prosecutors Office na nagbabasura sa reklamong estafa laban sa Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada at para usigin sa korte ang dayuhang respondent.
Sa dalawang hiwalay na mosyon, iginiit ng Tiger Resorts na nalabag ang kanilang constitutional rights to due process nang dahil sa pagbasura ng piskalya sa Paranaque sa kanilang reklamo at dahil sa maagang pagpapalabas ng kopya ng resolusyon sa indibidwal na hindi naman partido sa kaso.
Naniniwala rin ang Tiger Resorts na may naging administratibong paglabag sa premature leakage ng kopya ng resolusyon.
Nang dahil din umano sa leakage ay seryosong nalagay sa alanganin ang kredibilidad, independence at integridad ng kinukuwestiyong resolusyon na inisyu ni Paranaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.
Maituturing umanong smoking gun ang nagleak na resolusyon at ito ay indikasyon na maaring may naganap na iregularidad sa piskalya ng Paranaque.
Naniniwala ang Tiger Resorts na hindi na bago kung isasantabi ng DOJ ang kwestiyonableng resolusyon sa kaso ni Okada dahil nauna na nitong isinantabi ang resolusyon noon sa kasong inihain ng PNP-CIDG sa pinaghihinalaang drug lord na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.
Salig din umano sa resolusyon ng Korte Suprema, ang mga desisyon sa mga kasong kriminal ay maaring isantabi kung may lantarang ebidensya na may pagkiling sa akusado ang hukom o piskal.
Nag-ugat ang reklamo dahil sa paratang na hindi otorisado umanong paglustay ni Okada sa mahigit sampung milyong dolyar na pondong pag-aari ng Tiger Resorts sa pagitan ng 2016 at June 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.