3 pulis at 3 iba pa, arestado dahil sa iligal na pagsasabong sa Bulacan

GOOGLE MAPS

Timbog ang tatlong pulis, dalawang empleyado ng gobyerno at isang sibilyan dahil sa pagkakasangkot umano sa iligal na sabungan sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ikinasa Counter-Intelligence Task Force at Intelligence group ng Philippine National Police ang operasyon alas-10:00 ng umaga ng Linggo sa Heroesville Subdivision sa Barangay Gaya-Gaya.

Nakilala ang mga suspek na sina PO2 Michael Somido na nakatalaga sa National Capital Region Police Office, PO1 Raymond Meneses na nakatalaga sa Caloocan City Police Station at PO1 Rhovel Araceli na nakatalaga sa Northern Police District.

Nakumpiska sa tatlo ang kani-kanilang service firearms.

Samantala, ang iba pang mga naaresto ay sina Albert delos Reyes, traffic aide ng pamahalaan ng San Jose del Monte City, at Almelito Bascon na tauhan ng Sangguniang Panlalawigan ng San Jose del Monte.

Arestado rin ang sibilyan na si Rodrigo Gojo Cruz na nagsisilbing kolektor.

Narekober din sa kanila ang limang tandang.

Mahaharap ang anim sa kasong kriminal at administratibo.

 

Read more...