204 nahuli ng mga pulis sa SACLEO sa CAMANAVA

By Rhommel Balasbas June 18, 2018 - 12:49 AM

FILE PHOTO

Aabot sa higit 200 katao ang nahuli ng mga awtoridad sa isinagawang simultaneous anti-criminality operations sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga.

Ang magkakasunud-sunod na operasyon ay isinagawa ilang araw matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga tambay para mabawasan ang mga krimen tuwing gabi.

Dahil dito 204 katao na lumabag sa mga city ordinance ang nahuli sa CAMANAVA.

Sa kabuuang bilang na ito, 136 ang mula sa Caloocan kung saan 56 ang menor de edad na lumabag sa curfew hours at ang natitirang bilang ay inaresto sa pag-inom ng alak at walang suot na damit sa mga pampublikong lugar.

Tatlumpu’t isa naman ang dinala sa mga police stations sa Malabon kung saan apat ang hinihinalang nagsusugal at naglalaro ng cara y cruz.

Labindalawa naman ang nahuli sa Navotas dahil sa pakikipag-inuman din sa pampublikong lugar at walang pantaas na damit.

Habang sa Valenzuela naman ay 25 ang violators kabilang ang apat na nanigarilyo sa pampublikong lugar.

Dinala ang mga lumabag sa mga ordinansa sa mga police stations at kanilang mga barangay para maayos na pakawalan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.