MIAA: Walang iregularidad na naganap sa tugon ng mga personnel sa panibagong insidente ng ‘tanim-bala’

By Rhommel Balasbas June 18, 2018 - 03:08 AM

Nanindigan ang Manila International Airport Authotity (MIAA) na walang iregularidad sa naging aksyon ng mga airport personnel sa pinakahuling insidente ng ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa isang pahayag, sinabi ng MIAA, na sumunod lamang nang maigi sa standard operating procedures ang screening personnel ng airport at walang iregularidad sa kanilang naging aksyon.

“The DOTr-MIAA firmly maintains that there was no irregularity on the actions of screening personnel, who simply strictly followed standard operating procedures,” ayon sa MIAA.

Sa imbestigasyong isinagawa ng MIAA, lumabas na nakabalot pa ng plastic ang bagahe ni Kristine Bumanlag-Moran bago pa ito mag-check in.

Matatandaang ibinulalas ni Moran sa Facebook ang kaniyang galit sa Facebook at iginiit na siya ay biktima ng panibagong insidente ng ‘tanim-bala’ sa Terminal 3 ng paliparan noong June 15.

Nakita sa initial security check ang bala sa loob ng bahage ni Moran at agad na pumunta ang isang baggage inspector at police personnel ng NAIA para iberipika ang report.

Nang makumpleto ang beripikasyon, isang live ammunition para sa 9mm caliber ang natagpuan sa kanyang bagahe.

Ayon sa MIAA, ipinaalam kay Bumanlag na kukumpiskahin lamang ang bala at papayagan agad silang makaalis pagkatapos ng dokumentasyon ng screening personnel.

“Ms. Bumanlag was informed of this,and was told that the item will be confiscated. Ms. Bumanlag was also assured by the screening personnel that after documentation, she and her companions will be allowed to board their flight bound for Zamboanga,” dagdag pa ng MIAA.

Ikinalungkot ng MIAA na sa kabila ng pagsigurong ito ay gumawa ng eksena si Bumanlag at nagbato ng mga alegasyon laban sa airport personnel na kanya pang ipinost sa Facebook.

Iginiit din ng MIAA na ang pagkakadiskubre sa mga bala at ipinagbabawal na mga kagamitan ay natural lamang sa mga baggage screening.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.