Pagpapaliban ng usaping pangkapayapaan isang setback ayon kay Dureza

By Justinne Punsalang June 18, 2018 - 03:38 AM

Aminado si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na isang setback ang pagpapaliban ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa press briefing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bago ang kanyang biyahe papuntang Oslo, Norway, sinabi ni Dureza na ang naturang setback ay bahagi ng proseso upang makamit ang kapayapaan.

Paliwanag ng opisyal, hindi maaaring mag-shortcut na lamang lalo pa’t nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aralang mabuti ang mga napag-usapan sa backchannel talks.

Ayon umano sa pangulo, kailangan niya ng kaunti pang panahon upang pag-aralan ang mga ‘consensus points’ kaya naman inanunsyo nito na ikansela muna ang nakatakda sanang pag-uusap sa June 28.

Dagdag pa ni Dureza, magsasagawa ng konsultasyon ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process habang naka-hold ang pag-uusap ng dalawang panig.

Kabilang sa kanilang kokonsultahin ay ang iba’t ibang mga sektor ng pamahalaan katulad ng regional peace councils, mga church-based groups, mga kabataan, maging ang sektor ng negosyo upang malaman ang kanilang sentimyento ukol sa isyu.

Samantala, tumanggi namang magkomento si Dureza tungkol sa pagkakadismaya ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison sa pagpapaliban ng pag-uusap. Aniya, nirerespeto niya ang posisyon ng makakaliwang grupo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.