Hindi na tatalakayin sa plenaryo ng Senado ang Committee Report na may kaugnayan sa isinagawang imbestigasyon sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng apatnapu’t apat na Special Action Force (SAF) commando.
Ayon kay Senador Grace Poe, Chairman ng Senate Committee on Public Order na nagsagawa ng imbestigasyon, naisumite na sa Office of the Ombudsman ang report kung saan nakasaad ang kanilang findings sa nangyaring bakbakan.
Kinilala na aniya ng Ombudsman ang kanilang rekomendasyon at ito na ang magpupursige ng kaso laban sa mga personalidad na sangkot sa palpak na operasyon.
Nakasaad sa report ang rekomendasyon ng Senado para kasuhan si dating PNP Chief Allan Purisima at iba pang matataas na opisyal ng PNP dahil sa palpak na police operations laban sa teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Dagdag pa ni senador Poe, kung may mga naiwang katanungan kaugnay ng Mamasapano operations partikular na sa isyu ng ceasefire sa rebeldeng Moro Islamic Liberation Front, sasagutin na lamang ito oras na isalang na sa deliberasyon sa plenaryo ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL). / Chona Yu
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.