Bagyong Lando humina sa 120kph ngunit nananatiling mabagal ang pagkilos
Humina pa ang bagyong Lando habang mabagal na kumikilos sa bahagi ng mga lalawigan ng Apayao, Ilocos Norte, at Abra.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa bahagi ng Santiago Ilocos Sur, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometers kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong North Northeast sa 5 kilometers lamang kada oras.
Dahil sa mabagal na kilos ng bagyo, bukas ng hapon o gabi pa ito inaasahang lalabas ng Philippine Landmass at sa Biyernes pa inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Nakataas pa rin ang Public Storm Warning Signal number 2 sa mga lalawigan ng Benguet, Cagayan kabilang na ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Nueva Vizcaya, Apayao at Abra.
Habang signal number 1 naman sa Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, Aurora, Isabela, Batanes at Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, ang Northern at Central Luzon ay patuloy na makararanas ng malakas na buhos ng ulan ngayong maghapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.