Show cause order, hiniling ni Sereno na ipawalang-bisa ng SC
Nagsumite na ng kanyang paliwanag ang napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaugnay ng show cause order na inisyu laban sa kanya ng Korte Suprema.
Matatandaang si Sereno ay pinagpapaliwanag ng Korte Suprema kung bakit hindi siya dapat na parusahan dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility at Code of Judicial Conduct at pagsuway sa sub judice rule dahil sa pagbibitiw ng maanghang na salita laban sa mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.
Sa kanyang compliance, iginiit ni Sereno sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Alex Poblador na ang kanyang pahayag ay bilang tugon lamang sa mga paratang laban sa kanya ni Solicitor General Jose Calida.
Ipinagtatanggol lamang umano ng napatalsik na punong mahistrado ang kanyang sarili matapos umano siyang mapagkaitan ng due process.
Partikular na idinadaing ni Sereno ang diumano’y pagkakait sa kanya ng House Committee on Justice na maisalang sa cross-examination ang mga tumestigo laban sa kanya sa impeachment hearing sa Kamara de Representantes.
Gayunman, matatandaang sa naging resolusyon ng House Justice Committee, pinayagan naman si Sereno na maisalang sa cross examination ang mga testigo laban sa kanya pero dapat siya ang personal na magtanong sa mga testigo at hindi ang kanyang mga abugado.
Muli ring iginiit ni Sereno na dapat ay mag-inhibit sa kanyang kaso ang anim na mahistrado na sina Associate Justices Teresita Leonardo De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam at Samuel Martires dahil hindi umano patas ang mga ito sa pagtrato sa kanyang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.