Mga isyung tatalakayin sa oral arguments ukol sa petisyong kumukwestiyon sa same-sex marriage, inilatag ng SC

Inquirer file photo

Naglabas na ng panuntunan ang Korte Suprema kaugnay sa oral arguments na ipinatawag na may kinalaman sa petisyon na kumukwestiyon sa ilang probisyon ng Family Code na nagbabawal sa same-sex marriage.

Ang petisyon ay inihain ni Atty. Jesus Nicardo Falcis III laban sa Civil Registrar-General.

Intervenor sa kaso sina Atty. Fernando Perito, LGBTS Christian Church Incorporated at Reverend Cresencio Agbayani Jr.

Itinakda ng Kataas-taasang Hukuman ang oral arguments sa June 19, 2018, ganap na 2:00 ng hapon.

Kasama sa mga isyung tatalakayin sa oral arguments ay kung ang itinakda bang limitasyon ng estado na ang civil marriage ay dapat sa maganap lamang sa pagitan ng babae at lalaki ay maituturing na pagganap ng estado sa police power nito at ito ba ay hindi lumalabag sa equal protection clause ng Saligang Batas.

Kabilang din sa isyu ay kung ang pagkakait ba sa same-sex couple na magpakasal ay maituturing na pagkakait sa kanilang right to life at right to liberty nang walang due process; kung ang pagpapakasal ba na nakabatay sa konsepto ng gender ng tao ay paglabag sa religious freedom at kung unconsitutional ba ang Articles 1 at 2 ng Family Code o Executive Order No. 209 na nagtatakda na ang pagpapakasal ay limitado lamang sa pagitan ng isang lalaki at babae.

Matatandaang iginigiit ni Falcis sa kanyang petisyon na ang pagpapasya ng mga indibidwal, sila man ay homosexual o heterosexual, ng taong nais nilang makaisang dibdib ay isang pribadong bagay na hindi dapat sinagsakaan ng estado.

Binigyan ng Korte Suprema ang panig ng petitioner, civil registrar general na respondent sa kaso, gayundin ang kampo ng mga intervenor ng tig-20 minuto para maglahad ng buod ng kanilang argumento.

Read more...