Paglilinis sa mga estero itatalaga na rin sa mga barangay officials

Inquirer file photo

Ibibigay na rin sa mga barangay officials ang trabaho para pangunahan ang paglilinis sa mga waterways o daanan ng tubig kasama na ang mga kanal at estero.

Sinabi ni Interior Usec. Martin Diño na pinag-aaralan na nila ang ilalabas na kautusan para mabigyan ng guidelines ang mga opisyal ng barangay.

Inihalimbawa ni Diño ang higit sa 7,000 mga barangay na nakapaligid sa Manila Bay pero walang ginagawa para hadlangan ang pagdumi nito.

Sa ilalim ng panukala, pwede umanong mabigyan ng karampatang parusa ang mga opisyal ng mga barangay na mabibigong pangunahan ang paglilinis sa kanilang lugar.

Partikular rin na tututukan ng DILG ang mga lugar na mataas ang bilang ng mga informal settlers na karaniwang nagtatayo ng bahay sa mga estero na siyang dahilan ng pagbaha sa ilang mga lugar.

Kaugnay nito, hinamon ng opisyal ang mga bagong halal na lider ng barangay na patunayan na karapat-dapat sila sa posisyon at ito ay sa pamamagitan ng pangunguna sa pagsasa-ayos at paglilinis sa kanilang mga lugar.

Nauna dito ay sinabi ng mga opisyal ng DILG na suportado nila ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng baril ang mga barangay officials dahil sila ang frontliner sa kampanya ng pamahalaan kontra kriminalidad.

Read more...