Mahigit dalawampu’t tatlong libo ang kaso ng pagpatay sa buong bansa, mula nang maupo si Pangulong Rodrgo Duterte sa Malakanyang.
Ito ang lumabas sa latest data ng Philippine National Police o PNP Directorate for Investigation and Detective Management.
Ayon sa PNP, mula noong July 2016 hanggang May 2018 ay pumalo na sa 23,327 ang homicide cases o “deaths under investigation.”
Ibig sabihin, tinatayang nasa tatlumpu’t tatlo ang average na bilang ng mga namamatay kada araw.
Gayunman, sa mahigit dalawampu’t tatlong libong kaso, 2,649 lamang dito ay may kinalaman sa ilegal na droga habang 10,594 ay hindi kaugnay sa ipinagbabawal na gamot. Samantala, hindi pa tukoy ang rason o motibo ang naitang 10,084 killings.
Iniulat ng PNP na pagdating sa pagsasampa ng kaso, 12,339 na kaso ang nasa piskalya na habang 6,830 na kaso ang naihain na sa iba’t ibang korte, subalit ang natitirang bilang ay itinuturing nang “cold cases.”
Iba ang datos ng PNP kung pagbabatayan ang latest record o #RealNumbersPH ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, kung saan nasa kabuuang 4,279 na drug suspects ang napaslang habang 143,335 na drug personalities ang naaresto sa kasagsagan ng war against drugs ng administrasyon Duterte.
Ang bilang ay naitala mula July 1, 2016 hanggang May 15, 2018.