Ipinamamadali na ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa National Housing Authority ang pamamahagi ng mga nakatiwangwang na mga housing units.
Ayon kay Casilao, dapat ipamigay na ang mga nasabing pabahay sa mga pamilyang nangangailangan nito sapagkat sayang ang bilyong pisong ginasta ng gobyerno para sa pagpapatayo nito.
Paliwanag ng mambabats na Mayo pa ng kasalukuyang taon nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang joint resolution number 2 ng Kongreso na nagtatakda na i-award sa mga benepisyaryo ang mga housing units para aa mga uniformed personnel na hindi naman naoukupahan.
Trinabaho anya ng mga mambabatas ang nasabing resolusyon kasunod ng pag-okupa ng grupong Kadamay sa mga pabahay para sa mga pulis at sundalo sa Pandi, Bulacan.
Iginiit naman ni Casilao na suportado at aprubado ng pangulo ang resolusyon kaya kung mayroong kontra dito ay dapat dumiretso sa Kongreso o Malakanyang.
Kabilang sa mga housing units na nais ipamahagi ng mambabatas ay ang nasa Rodriguez, Rizal na tinangkang okupahan ng grupong kadamay kahapon.