Isinusulong ni 1-Ang Edukasyon Rep. Salvador Belaro ang pagpapalit ng sinusunod na panuntunan para sa kanselasyon ng klase tuwing may bagyo.
Ayon kay Belaro hindi na naayon sa kasalukuyang panahon ang sinusunod na guidelines sa class suspension o ang Executive Order 66 noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Iba na aniya ang lakas ng mga bagyo ngayon dahil kahit Signal # 2 ay napakalakas na at maging ang tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan tulad ng habagat na kahit walang bagyo ay nagdudulot na ng matinding pagbaha.
Dahil dito nais ni Belaro ipasa ang kanyang panukalang batas sa kamara kung saan sa ilalim nito ay kahit Signal No. 2 ay suspendihin na ang klase at trabaho sa halip na Signal No. 3 na kasalukuyang sinusunod.
Maaari aniyang i-update at i-reconfigure ang template depende sa lakas ng ulan, dami ng tubig, pagtaas ng ilog at pagbaha gamit ang mga monitoring devices para dito na siya namang gagawin nang basehan sa suspensyon ng klase at pasok sa trabaho.
Ang bagong template ay hindi lamang para sa pagsukat ng tindi ng pag-ulan o bagyo para sa suspensyon ng pasok kundi gagamitin din para sa ibang kalamidad tulad ng lindol, landslides, tsunami, storm surge, toxic chemical spills, sunog at maging sa mga insidente tulad ng hostage-taking, kidnapping, terrorism, at state of emergency.