Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, gumagawa ng paraan ang ilang grupo para lumikha ng pagkakawatak-watak, pagtatanim ng galit at iba pa.
Ayon kay Roque, kaisa ang Palasyo sa pagkondena ng Simbahang Katolika sa pagpatay kina Fr. Mark Ventura, Fr. Tito Paez at Fr. Richmond Nilo.
Sa ngayon, nagsasagawa na aniya ang gobyerno at Philippine National Policeng malalimang imbestigasyon para matiyak na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng tatlong pari.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PNP sa liderato ng Simbahan para talakayin ang pagbibigay proteksyon sa mga pari.
Magugunitang sa pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, inihayag nitong pinapatay na ang mga alagad ng Simbahan, silang mga pastol ng mga mananampalataya, minumura ang Simbahan at maging ang Panginoon ay pinapatay na rin gaya ng ginawa nila noon sa Calvary.