Hinimok ni acting Chief Justice Antonio Caprio ang Pilipinas na humingi ng danyos sa China dahil sa pagsira nito sa mga bahura sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Carpio, nilabag ng China ang obligasyon nito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na protektahan at pangalagaan ang karagatan.
Sinabi ni Carpio na sinira ng mga mangingisda ang mga bahura matapos kumuha ng giant clams. Aniya, walang isda sa Scarborough Shoal kung wala ang mga bahura na nagsisilbing breeding ground ng mga ito.
Dagdag ni Carpio, hindi binigyan ng danyos ang Pilipinas nang magsampa ito ng kaso laban sa China sa hurisdiksyon nito sa South China Sea dahil hindi humingi ng danyos ang Pilipinas.
Kahapon, ipinahayag ng China na pinayagan ng China ang mga Pilipino na mangisda sa Scarborough Shoal bilang kabutihang loob.
Sa kabila ito ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa the Hague noong July 12, 2016 na ang Scarborough Shoal ay isang traditional fishing ground ng mga mangingisda ng iba’t ibang bansa.