Matapos ang pagbigay sa kaniya ng progress report sa kaso, sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na posibleng away sa lupa, pagtulong ng pari sa biktima ng pangmomolestya, at alitan sa relihiyon ang posibleng motibo sa pagpatay sa pari.
Samantala, sinabi naman ni Police Regional Office 3 Director Chief Supt. Amador Corpus na dati na umanong nakatanggap ng death treaths si Fr. Richmond Nilo sa kanyang buhay.
Sa ngayon, may dalawang “persons of interest” na ang pinaghahanap ng PNP matapos makunan ng CCTV sa bisinidad ng pinangyarihan ng krimen at subject na sa manhunt operation ng Special Investigation Task Group.
Tiniyak naman ni Albayalde, siniseseryoso nila ang kaso at nangangalap ng sapat na ebidensya para maresolba ito.
Nabatid na nitong Linggo, habang nagmimisa sa kapilya ng Nuestra Señoras Dela Nieve sa Barangay Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija ay pinagbabaril si Father Nilo ng dalawang lalaking nakamotorsiko na naging dahilan ng kanyang pagkakasawi.