Emergency powers kay Pang. Duterte para masolusyunan ang problema sa pagbaha sa Metro Manila, inirekomenda ni Rep. Castelo
Isinusulong ni House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para solusyunan ang problema sa matinding pagbaha sa Metro Manila.
Ayon kay Castelo, kailangang mabigyan ng emergency powers ang pangulo upang maiwasan ang red tape.
Ito rin aniya ay upang mabilis ang paggawa sa mga anti-flood projects na gagawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Paliwanag nito, ang emergency powers sa pangulo ay dahil na rin sa mabagal na paggawa ng mga flood projects kung saan nalulugi ang bansa ng P2.4 billion kada araw kapag may baha.
Bukod dito, kailangan din aniyang magkaroon ng Flood Summit kung saan dito tatalakayin ang detalye para sa emergency powers na ibibigay sa pangulo.
Ipinamamadali rin nito ang paggawa ng Metro Manila Flood Control Management Project dahil naglaan naman na ang Asian Infrastructure Investment Bank at World Bank ng P25 billion na pondo para dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.