Pinuri ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang makasaysayang pulong sa pagitan nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un sa Singapore kahapon.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, bagaman malayo pa ang tatahakin para matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Korean Peninsula ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa dayalogo at diplomasya sa pagresolba sa mga isyu ang unang personal na pulong sa pagitan nina Trump at Kim.
Ayon sa kalihim, umaasa ang gobyerno na ang nasimulan sa Singapore ay magreresulta sa tuluyang denuclearization sa Korean Peninsula na magbubunga ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Handa umanong tumulong ang Pilipinas para matamo ang mga hangaring ito ayon kay Cayetano.
Lumagda sina Trump at Kim sa isang kasunduan na layong pagtibayin ang relasyon ng US at North Korea.