Verbal persecution ni Duterte sa Simbahang Katolika ipinatitigil ni Abp. Villegas

By Rhommel Balasbas June 13, 2018 - 04:49 AM

Ipinanawagan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga mananampalatayang Katoliko na ipanalangin sa Diyos na hipuin ang puso ni Pangulong Rordrigo Duterte na ihinto na nito ang mapanirang mga salita laban sa Simbahang Katolika.

Iginiit ni Abp. Villegas na ang mga ganitong pag-atake sa Simbahan ay maaaring maging dahilan ng mas maraming krimen laban sa mga paring Katoliko.

Ito ay matapos ang brutal na pagpatay kay Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan na ikatlong pari nang napatay sa loob lamang ng anim na buwan.

Sa pahayag na inilabas ni Villegas na pirmado rin nina Bayombong Bishop Jose Elmer Elmer Mangalinao at ng sampung pari ay ipinahayag ng mga ito ang pagkadismaya sa tila ay pagiging pangkaraniwan na lamang ng pagpatay sa bansa.

Hindi anya sila magugulat kung muli silang babatuhin ng masasakit na salita dahil sa muling paninindigan.

Ang pinakabagong insidente ng pagpatay ay hindi anila makakapigil upang kanilang ipahayag ang katotohanan.

Iginiit nina Villegas na ang pagpatay ay isang kasalanan, hindi maka-Filipino at hindi maka-Kristiyano.

Idineklara ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ang June 18, ikasiyam na araw ng pagkamatay ni Fr. Nilo bilang ‘Day of Reparation’.

Kaugnay nito, lahat ng misa sa arkidiyoses ay iaalay bilang ‘reparation’ o paghingi ng tawad sa kalapastangang ginagawa laban sa mga pastol ng simbahan at sa kabi-kabilang mga patayan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.