4-point agreement pinirmahan ng US at NoKor

AP Photo

Tuloy na tuloy na ang denuclearization ng North Korea.

Ito ay isa lamang sa napag-usapan nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un sa kanilang naging summit sa Singapore.

Sa pulong balitaan na ginanap sa nasabing bansa bago lumipad pabalik ng Estados Unidos si Trump ay sinabi nito na inaasahan niyang magsisimula na ang denuclearization ng NoKor sa lalong madaling panahon.

Aniya, si US Secretary of State Mike Pompeo at mga opisyal ng North Korea ang magsasagawa ng mga karagdagatng negosasyon ukol dito.

Dagdag pa ni Trump, sinabi sa kanya ni Kim na sinisira na ng kanilang pamahalaan ang mga engine-testing site kung saan inilulunsad ang kanilang ballistic missiles. Ngunit aniya, sa ngayon ay patuloy na ipapataw sa NoKor ang international sanctions.

Ititigil na rin ng Estados Unidos ang joint military exercises kasama ang South Korea. Ani Trump, sa pamamagitan ng pagtigil ng joint military exercises ay makakatipid ang US.

Samantala, nakapaloob sa pinirmahang agreement ng dalawang mga lider ang pagsisimula ng mas magandang relasyon ng Estados Unidos at North Korea; pagsasanib-pwersa ng dalawang bansa upang magkaroon ng kapayapaan sa Korean Peninsula; muling pagpapatibay ng April 27, 2018 Panmunjom Declaration tungkol sa denuclearization; at pagrekober sa mga bangkay ng mga nasawi sa Korean War at repatriation naman ng mga nabilanggo matapos ang giyera.

Bukas naman ang White House para sa posibleng pagbisita doon ni Kim.

Read more...