Sereno: Kita tayo sa Senado

Photo: Isa Umali

Itinanggi ng pinatalsik na si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na parte na siya ng Tindig Pilipinas o tinatawag na Silent Majority.

Sa isang ambush interview kay Sereno sa general assembly ng Tindig Pilipinas sa U.P. Bahay ng Alumni, nilinaw nito na siya ay naimbitahan lamang sa okasyon.

Si Sereno ay isa sa mga personalidad na dumalo sa pagtitipon ng nasa dalawampung grupo, mga politiko at iba pang mga kontra sa administrasyon Duterte.

Sa kanyang inspirational message, hindi naiwasang batikusin ni Sereno ang mga hakbang ng gobyerno, na ang pinakabago ay ang isyu ng relasyon ng Pilipinas sa China.

Ani Sereno, ang ating bayan ba ang tunay na malayang soberanya o isang bayang mas nagbibigay pa ng daan sa banyagang bansa.

Inungkat ding muli ni Sereno ang pagkaka-alis niya sa Mataas na Hukuman bilang punong mahistrado na aniya, dapat ay maisalang pa rin siya sa impeachment trial sa Senado.

Sa Mababang Kapulungan daw kasi ay hindi siya nabigyan ng kalayaan na magkaroon ng abogado at maipagtanggol ang kanyang sarili.

Nagdeklara pa si Sereno na “kita tayo sa Senado”, pero huwag daw dagdagan ito ng kahulugan dahil ang kanyang ibig sabihin ay Senate impeachment court.

Nauna na ring pinabulaanan ni Sereno na tatakbo siya sa 2019 senatorial elections.

Read more...