Trump: Denuclearization sa Korean Peninsula tuloy na
Lumagda sa kasunduan sina U.S President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un para sa complete denuclearization program sa Korean Peninsula.
Ayon kay Trump, “Kim Jong Un commits to ‘complete denuclearization of the Korean Peninsula.’
Ang nasabing kasunduan ay tulad rin ng nilagdaan noong Abril sa pagitan ng North at South Korea.
Magugunitang ang isyu ng nuclear program ng North Korea ang siyang naging hadlang kaya muntik nang hindi matuloy ang pulong sa pagitan nina Kim at Trump.
Noong 2017 ay ginulat ng North Korea ang mundo makaraan nilang ihayag ang pagkakabuo ng kauna-unahang intercontinental ballistic missile ng nasabing bansa.
Noong nakaraang taon naman ay pinasabog ng North Korea ang isa sa kanilang 160-kiloton bomb na ayon sa Pyongyang ay isang uri ng hydrogen bomb.
Nauna nang sinabi ng ilang security expert na hindi dapat seryosohin ang nuclear program ng North Korea pero kinontra ito ng Washington na nagsabing anumang uri ng banta ay kanilang susuriin.
Sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng media sa Singapore, sinabi ni Trump na isang comprehensive agreement ang nilagdaan nila ang lider ng North Korea na maghahatid ng kapayapaan hindi lamang sa Korean peninsula kundi sa buong mundo.
“One-on-one meeting with Kim Jong Un was ‘very, very good…we have an excellent relationship”, ayon pa kay Trump.
Pinasalamatan rin niya ang host-country na Singapore sa maayos na pagtanggap sa kanila.
Nagpasalamat rin si Trump kay Chinese President Xi Jingping na nagtulak para maging posible ang pulong sa pagitan ng U.S at North Korea.
Sa kanilang pulong, sinabi ni Trump na kinumpirma sa kanya ni Kim na sinira na nila ang isa sa mga malalaking nuclear facility sa kanilang bansa bilang pagpapakita ng sensiridad sa pagsusulong ng kaayusan sa rehiyon.
Si Kim ay inimbitahan rin ng U.S president na bumisita sa White House.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.